-- Advertisements --

Mas maraming kumpanya na umano ang bukas na mag-hire ng mga senior high school graduates.

Ito ay batay sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Business for Education (PBEd).

Sa ilalim ng 2024 Jobs Outlook Study ng PBEd, lumabas dito ang tumataas na posibilidad ng pag-hire ng mga kumpanya sa mga K-12 graduates kung saan apat mula sa limang mga firm ay ‘willing’ na mag-hire ng mga senior high school graduates.

Ang naturang pag-aaral ay sumaklaw sa 299 participants na kinabibilangan ng 14 na malalaking kumpanya habang 86% ay binubuo ng micro, small and medium enterprises (MSME).

Ayon sa PBEd, patunay ito sa potensyal ng K to 12 program ng bansa, kung saan ay nagagawang makapag-produce ng employable graduates.

Malaking pagbabago na umano ito kumpara sa isang pag-aaral na isinagawa noong 2008.

Sa naturang taon ay lumalabas kasi na isa mula sa limang firm ang ‘willing’ na mag-hire ng mga senior high graduates.

Samantala, lumalabas din sa naturang pag-aaral na 27% ng mga entry-level jobs sa bansa ay posibleng pupunan ng mga senior high graduates habang ang nalalabing 73% ay pupunan pa rin ng mga college graduates.