Asahan ang mas maraming sports sa 2028 Olympics kasabay ng planong pagbalik sa ilang mga sporting events.
Batay sa inisyal na plano, magiging 36 na ang kabuuang sport events sa Los Angeles Olympics kumpara sa 32 sa nakalipas na Paris Games.
Kabilang sa mga maidadagdag ay ang larong cricket na huling natunghayan noong Paris Olympics 1900. Gagamitin dito ang fast-paced Twenty20 format ng naturang sports.
Babalik din ang mga larong baseball, softball, at ang lacrosse na ilang edisyon na ring hindi natutunghayan sa Olympics.
Maaari din umanong ipasok ng Los Angeles Organizing Committee ang iba pang bagong sports na katulad ng flag football at squash ngunit sa kasalukuyan ay pinag-aaralan pa ito.
Tatanggalin naman ang breakdancing na unang pagkakataong ipinasok sa katatapos na Paris Games.
Samantala, nananatili pa rin ang provisional status ng boxing sa susunod na Olympics kasunod ng mga panawagang pagreporma sa pamamahala sa naturang sporting event.
Maaaring sa huling bahagi pa ng 2025 maglalabas ng desisyon ang International Olympic Committee (IOC) ukol dito.