-- Advertisements --
Balikatan war exercises US PH

Mas maraming tropa ng Pilipinas at Amerika ang inaasahang makikilahok ngayon sa gaganaping Balikatan Exercises 2023.

Ito ang inihayag ni Philippine Army chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. sa ginanap na pulong balitaan sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Sa ngayon ay pinaplantsa pa nila ang pinal na bilang ng mga sundalong makikiisa sa gaganaping war game ngunit inaasahang mas marami aniya ang mga ito kumpara noong nakaraang taon kung kailan aabot lamang sa mahigit 8,000 troops ang lumahok mula sa Estados Unidos, habang nasa mahigit 2,000 tropa naman ang mula sa Pilipinas, at gayundin ang 40 observers mula sa Australian Defence Force.

Aniya, ang naturang pagsasanay ay kabibilangan ng iba’t-ibang aktibidad na tutuon hindi lamang sa pagpapalakas pa ng fighting capabilities ng mga sundalo, kundi pati na rin sa mga non-traditional roles tulad ng humanitarian assistance at disaster response.

“The exercises will involve a myriad of activities, not just focused on developing war-fighting capabilities, but also non-traditional roles such as humanitarian assistance and disaster response (HADR),” ani Philippine Army chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr.

Layunin nito na ihanda ang hukbo ng dalawang bansa sa lahat ng uri ng panganib na maaari nitong kaharapin sa hinaharap mapa-man made o natural threats man ang mga ito.

“All these exercises we are doing are in response to all types of threats we may be facing in the future, both man-made and natural,” dagdag pa niya.

Samantala, bukod dito ay inihayag din ni Brawner na dahil sa mas malawak na mga aktibidad ng gaganaping Balikatan Exercises 2023 ay nakatakda itong isagawa sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.

Karamihan sa mga ito ay idaraos sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Tarlac, at gayundin sa hilaga at timog na bahagi ng ating bansa.

Gaganapin ang naturang aktibidad sa pagitan ng Armed Forces ng Pilipinas at Amerika mula buwan ng Abril hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.