Pinaplano ng Department of Public Works and Highways ang magtayo pa ng mas maraming mga water reservior o rainwater collector system(RCWs) sa buong bansa.
Ito ay bilang tugon ng ahensiya sa posibleng epekto ng El Nino Phenomenon na madalas nang maranasan sa buong bansa.
Ayon kay DPWH Sec Manuel Bonoan, napapanahon na upang tutukan ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga RCWs dahil sa malaking tulong ito sa ibat ibang sector.
Paliwanag ni Bonoan, maaaring gamitin ang mga naiipon na ulan sa pagsasaka, maging sa commercial o domestic use. Maliban dito, maaari ring gamitin ang mga RCWs bilang water reservior sa panahon ng mga pagbaha, sa halip na napupunta lahat ng tubig sa mga kabahayan.
Ayon sa kalihim, nagbigay na ito ng direktiba sa lahat ng district at regional engineering offices sa buong bansa upang magsagawa ang mga ito ng feasibility studies sa mga lugar na maaaring pagtayuan ng mga nasabing pasilidad.
Kailangan din kasi aniyang matukoy ang bilang ng populasyon na maaaring serbisyuhan ng ipapatayong pasilidad, kasamana ang magiging benepisyo nito sa lugar.
Sa kasalukuyan ay nakapaglaan ang ahensiya ng P582.9 Million para sa konstruksyon ng mga RCWs sa ibat ibang bahagi ng bansa.