Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na nagpapataw ng dagdag na buwis sa sigarilyo.
Sa botong 20-0, aprubado na ang Senate Bill 2233 na naglalayong itaas sa P45 hanggang P60 kada pakete ang excise tax simula sa susunod na taon hanggang 2023 pagkatapos ay 5% na taunang dagdag buwis epektibo Enero 1, 2024.
Ang nakatakdang pagtaas sa excise tax ay ang sumusunod: P45 kada pakete epektibo Enero 1, 2020 hanggang Disyembre 31, 2020; P50 kada pakete sa Enero 2021; P55 kada pakete sa Enero 2022 at P60 kada pakete epektibo Enero 1, 2023.
Sinabi ng Department of Finance, makatutulong ang nasabing panukala upang punan ang P40-bilyong funding gap para sa implementasyon ng Universal Health Care law.
Matagal nang isinusulong ng health advocates at mga tutol sa paninigarilyo ang mas mataas na excise tax para mapigilan ang nasabing bisyo at mabawasan ang bilang ng pagkamatay dahil sa sigarilyo.
Nananatiling mataas sa 23 percent ang smoking prevalence sa Pilipinas kug ihahambing sa ibang mga bansa.
Sakaling i-adopt ng Kamara ang bersyon ng Senado, hindi na dadaan pa ang panukalang batas sa bicameral conference committee at dadalhin na ito sa Pangulo para lagdaan at maging ganap na batas.