Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na masimulang maipamahagi ang mas mataas na cash grants para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa susunod na taon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary JC Marquez, kanilang ipraprayoridad ngayong taon ang pagbuo ng panukala para taasan ang halaga ng cash grants para sa 4Ps sa pakikipagtulungan na rin ng NEDA, PSA at Philippine Institute for Development Studies (PIDS).
Tutukuyin naman ang mas mataas na halaga base sa mapag-uusapan ng concerned agencies at mga organisasyon.
Masusi na aniyang pinag-aaralan ito at sa oras na mabuo ang panukala ay ibabahagi ng ahensiya ang detalye nito.
Kung matatandaan, una ng sinabi ng DSWD na pag-aaralan nitong dagdagan ang cash grants para sa 4Ps sa gitna na rin ng pagsipa ng inflation sa bansa.
Sa kasalukuyan, mayroong kabuuang 4.4 million households sa buong bansa ang aktibong miyembro ng conditional cash transfer program ng pamahalaan.