-- Advertisements --

Pinasalamatan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes sina Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. at Health Secretary Teodoro Herbosa sa pag-apruba sa pagtataas ng financial assistance sa mga dialysis patient.

Ayon sa lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan, malaking tulong ang pagtataas ng benepisyong ibinibigay ng PhilHealth sa mahigit 1 milyong Pilipino na nagpapa-dialysis. Mula sa P2,600 ay itinaas sa P4,000 ang sasagutin ng PhilHealth sa dialysis.

Ang pagtataas na ito, ayon kay Speaker Romualdez, ay malaking tulong sa mga pasyente at kanilang pamilya.

Ang pagtataas ay suporta umano sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at layunin ng Universal Health Care Law na matulungan ang mga mahihirap na pamilya na makapagpagamot ng libre.

Ipinunto naman ni Speaker Romualdez na ang dialysis ay hindi gamit kundi paraan lamang upang humaba ang buhay ng isang mayroong sakit sa kidney.

Nagpahayag naman ng pag-asa ang lider ng Kamara na aaprubahan din ng PhilHealth ang pagbibigay ng iba pang libreng health service na hinihiling nito at ng iba pang kongresista gaya ng laboratory test at mammogram.