-- Advertisements --

Mas mataas na kaltas sa buwanang kontribusyon sa Social Security System (SSS) ng mga pribadong sektor ang sasalubong sa bagong taon.

Base sa anunsiyo mula sa state-run pension fund, simula sa Enero 1, 2025, tataas sa 15% ang contribution rate sa SSS mula sa 2023 contribution rate na 14%.

Ayon sa SSS, tinaasan ang contribution rate para mapataas ang revenues at matiyak ang long-term stability.

Saklaw sa adjusted contribution rate ang lahat ng business employers at employees, household employers at workers o kasambahay, self-employed individuals, voluntary at non-working spouse members at land-based OFW members.

Para sa mga business employers at employees, self-employed members, voluntary members, at non-working spouse members, ang minimum Monthly Salary Credit (MSC) ay tataas sa P5,000, habang ang maximum MSC ay P20,000.

Para naman sa household employers at workers, ang minimum MSC ay tataas sa P1,000, kung saan ang maximum ay P20,000.

Sa land-based OFW members naman, ang minimum MSC ay tataas sa P8,000, kung saan ang maximum ng MSC ay P20,000.