Nais isulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang mas mataas na pondo para sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) bilang suporta sa pagsisikap ng ahensyang labanan ang Philippine Offshore Gaming Operators o mga POGO.
Sa kasamaang-palad aniya ay hindi sapat ang manpower ng PAOCC upang ipagpatuloy ang mga karagdagang operasyon
Ayon kay Gatchalian, mahalaga para sa PAOCC na mapanatili ang kanilang kampanya laban sa mga POGO upang epektibong maisakatuparan ng ehekutibo ang utos ng Pangulo na ganap na ipagbawal ang mga POGO bago matapos ang taon.
Dagdag ng senador, kailangang maghanda para sa anumang maaaring mangyari, kabilang ang posibilidad na ang ilan sa mga POGO na ito ay mag-operate nang underground.
Sa kasalukuyan, mayroong humigit-kumulang 41 na internet gaming licensees (IGL) ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Ayon sa ahensya, may 250 na mga POGO ang maaaring nag-ooperate pa rin ng walang lisensya at maaaring sangkot sa iba’t ibang kriminalidad.