-- Advertisements --
image 245

Umaasa ang Department of Budget and Management na lalo pang mapapalakas ang sektor ng pangisdaan sa buong bansa, matapos ipanukala ang malaking pondo para sa mga pangunahing proyekto na magpapaunlad sa nasabing sektor, sa taong 2024.

Ayon kay Sec. Amenah Pangandaman, ang National Fisheries Program ay makakakuha ng pondong aabot ng hanggang sa P6.9billion sa susunod na taon.

Sa pamamagitan ng nasabing programa ay inaasahang mapapa-angat ang kalidad ng pamumuhay ng mga mangingisda sa buong bansa, kasama na ang pagpapabuti sa kalidad ng kanilang mga produktong isda.

Ang Philippine Fisheries Development Authority naman ay may alokasyong pondo na aabot sa P4.9billion.

Magagamit naman ang nasabing pondo para sa paggawa, rahabilitasyon, at pagpapabuti pa sa mga fish ports sa buong bansa.

Naglaan din ang DBM ng hanggang sa P211million na pondo sa ilalim ng Aquaculture Production Program ng Department of Agriculture upang maabot ang 10% na pagtaas sa produksyon ng mga isda sa bansa.

Ang nasabing target ay inaasahang pupuno sa kasalukuyang kakulangan o pangangailangan sa bansa.