-- Advertisements --

Inaasahan ang mas mataas na singil sa kuryente ngayong buwan ng Nobiyembre para sa 8 milyong customer ng Manila Electric Co. (Meralco) kasabay ng pagtaas ng generation costs dahil sa pagsipa ng demand at paghina ng halaga ng piso.

Inanunsiyo ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga ang upward adjustment na P0.4274 per kilowatt-hour ngayong buwan na magdadala ng overall electricity rate sa P11.8569 per kWh mula sa P 11.4295 per kWh noong Oktubre.

Ito ay katumbas ng pagtaas na P85 sa electricity bills ng typical households na komokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Samantala, ang mga komokonsumo naman ng mas mababa sa 200 kWh sa mga lugar na nakasailalim sa state of calamity ay exempted mula sa disconnection hanggang sa Disyembre ng kasalukuyang taon.

Maaari namang mag-avail ang mga ito ng payment arrangement sa loob ng 6 na buwan para sa kanilang electricity bills mula Oktubre hanggang Disyembre.

Ito ay kasunod na rin ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Energy Regulatory Commission (ERC) para magbigay ng temporary relief para sa mga sinalanta ng bagyo.