-- Advertisements --

Asahan ang mas murang pamasahe sa eroplano sa buwan ng Hulyo.

Ito ay matapos na tapyasan ng Civi Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge sa unang pagkakataon mula noong Pebrero.

Sa inilabas na advisory, inanunsiyo ng CAB na ang fuel surcharge para sa susunod na buwan ay magiging Level 5 rates na mula sa kasalukuyang Level 6 na epektibo mula pa sa nakalipas na 4 na buwan.

Sa ilalim ng Level 5, ang sisingiling fuel surcharge ng airlines ay P151 hanggang P543 para sa domestic flights habang sa mga babiyahe naman sa labas ng bansa ay magbabayad ng karagdagang P498.03 hanggang P3,703.11.

Mas mababa ito kung ikukumpara sa Level 6 rates na pumapalo sa P185 hanggang P665 para sa domestic flights at P610.37 hanggang P4,538.40 naman para sa international flights.

Ang fuel surcharges nga ay ang karagdagang fees na sinisingil ng airlines para matulungan silang marekober ang gastusin sa fuel, maliban pa ito sa pasahe na binabayaran ng mga pasahero para sa kanilang flight.