-- Advertisements --

MANILA – Mayroon na ring kaso ng sinasabing mas nakakahawa na B.1.351 (South African) variant ng SARS-CoV-2 virus sa Pilipinas.

Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos lumabas ang resulta ng ika-walong batch ng samples na sumailalim sa whole genome sequencing.

Ayon sa ahensya, anim ang naitalang kaso ng South African variant, na sinasabi ring may epekto sa efficacy ng mga bakuna.

“To date, there are already 48 countries with reported cases of the B.1.351 variant. While there is no evidence that this variant causes more severe disease, the pattern of mutations within this variant suggests higher transmissibility and may have an impact on vaccine efficacy,” nakasaad sa press release.

Mula sa anim na unang kaso, tatlo ang local cases.

Pare-pareho silang residente ng Pasay City, na nakuhanan ng samples sa pagitan ng mga petsang January 27 at February 13.

Gumaling na ang 40-year old na lalaki, pero “active cases” pa ang 61-year old na babae, at 39-year old na lalaki.

Mga returning overseas Filipinos (ROF) naman mula United Arab Emirates at Qatar ang dalawang iba pang South African variant cases.

Habang inaalam pa ng DOH kung local case o ROF ang natitira na isa pang na-detect na may bagong variant.

“Their statuses are currently being verified.”

Umapela ang Health department sa publiko na panatilihin ang minimum public health standards, dahil ito pa rin daw ang isa sa pinaka-epektibong paraan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nitong Lunes, sinimulan ng Pilipinas ang opisyal na pag-rolyo ng coronavirus vaccines, gamit ang Chinese-developed na CoronaVac ng kompanyang Sinovac.

Aabot na sa 578,381 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.