VIGAN CITY – Hindi umano masyadong pinagtutuunan ng pansin ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) ang papalapit na 30th Southeast Asian Games na gagawin sa bansa.
Ito ay dahil mas importante at mas malaking sporting event umano ang 2020 Tokyo Olympics kaysa sa SEA Games.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inilarawan ni SWP President Monico Puentevella na ang magaan lamang umano ang atmosphere sa SEA Games dahil tila maituturing itong “fun games” lamang kung saan ang pangunahing layunin ay mapatibay ang relasyon sa isa’t isa ng mga bansang nasa Southeast Asian region.
Malaki umano ang tiwala ni Puentevella na makakakuha ng gintong medalya sina Olympian Hidilyn Diaz at iba pang atleta sa weightlifting sa isasagawang SEA Games kaya hindi umano niya ito masyadong pinagtutuunan ng pansin.
Kaugnay nito, humingi ng dispensa ang nasabing sports official dahil para sa kaniya ay mas magandang tutukan ang Tokyo Olympics dahil dito maglalaban-laban ang mga pinakamagagaling na atleta sa lahat ng larangan sa iba’t ibang panig ng mundo.