Isang Filipino boxing coach ang nasa likod sa pagkakatalo ni 2017 Southeast Asian Games gold medalist na si John Marvin.
Si Rex Pasiones ng Cebu City ang nagsilbing coach at trainer ng professional boxer na si Dinh Hoang Truong mula Vietnam.
Sa kanilang napakainit at umaatikabong bakbakan, napuruhan ng isang malakas na suntok si Marvin na nagresulta sa kaniyang pagkabagsak sa unang round pa lamang ng kanilang salpukan sa light heavyweight 81 kilograms division.
Ayon kay Paciones, magdadalawang taon na siyang trainer ni Troung at pinag-aralan nilang mabuti ang mga galaw ng Filipino-English boxer.
Sinabi pa ng Paciones na dati rin siyang professional boxer.
Taktika nila na bilisan at atakihin nang husto si Marvin na hindi naman sila nagkamali dahil bumagsak ito sa unang round pa lamang.
Aminado rin ang Pinoy trainer na malakas ang pambato ng Pilipinas at masuwerte lamang sila na naisagawa nilang maayos ang kanilang game plan.
Kung hindi aniya napuruhan si Marvin, malaki ang tiyansang makakabawi ito.
Hindi rin maitago ni Pacsiones ang nararamdamang masakit sa dibdib na kalaban ang kapwa Pilipino, pero trabaho niya umano ito bilang isang trainer na turuan at gabayan sa panalo ang hawak niyang boksingero.
Si Marvin ang unang Pinoy boxer na natalo sa boxing event at hindi na niya maidedepensa pa ang kaniyang hawak na gold medal na nasungkit noong 2017 SEA Games. (story by Bombo Ronald Tactay)