Naglabas na ng inisyal na statement ang Marine Casualty Investigation (MCI) Team, ang fact-finding committee na binuo ng Philippine Coast Guard(PCG) para imbestigahan ang lumubog na tatlong barko sa karagatang sakop ng Bataan: Terra Nova, Jason Bradley, at Mirola 1.
Batay sa inilabas na resulta ng imbestigasyon, nakasaad dito na ang masungit na panahon ang pangunahing dahilan ng paglubog at pagsadsad ng mga naturang barko.
Sa mga araw na na sumadsad ang mga ito, masyado umanong masungit ang panahon noon.
Nagsimula ang naturang investigation team sa kanilang imbestigasyon isang linggo na ang nakakalipas. Ito ay binubuo ng mga opisyal ng PCG at Maritime Industry Authority.
Ipinaliwanag naman ni Bataan station commander, Lieutenant Commander Michael John Encina ang naging sitwasyon ng tatlong barko kasabay ng masungit na panahon.
Aniya, ang MTKR Jason Bradley ay kasalukuyang naka-angkla sa Bataan noong nananalasa ang super typhoon Carina. Sa lakas ng mga paghangin at pag-ulan, tuluyan aniya itong lumubog at sumadsad.
Para naman sa MTKR Terra Nova, pinayagan ito ng PCG Bataan station na maglayag matapos itong sumailalim sa pre-departure inspection at wala ding tropical cyclone warning signal noon. Gayunpaman, inabutan pa rin ito ng masungit na panahon at tuluyang lumubog, karga ang mahigit 1.4 million litro ng industrial fuel.
Samantala, ang MV Mirola 1 ay ‘nakatakas’ umano mula sa Navotas at tumungo sa Bataan nang walang clearance mula sa PCG, hanggang sa tuluyan ding sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatang sakop ng Sitio Quiapo, Barangay Biaan, Mariveles.
Batay sa timeline, lumubog at sumadsad ang Jason Bradley noong July 26, lumubog ang Terranova noong July 25, habang ang ang Mirola 1 ay sumadsad noong July 25.