Patuloy na mararanasan ang mga pag-ulan na nararanasan sa Palawan at ilang bahagi ng bansa dulot ng low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa 8 a.m. weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang LPA ay namataan sa 265 kilometro hilagang-kanlurang bahagi ng Puerto Princesa City, Palawan. Bagamat mababa ang tsansa nitong maging isang tropical cyclone, magdudulot naman ito ng masamang panahon at mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas at Mimaropa region.
Bukod dito makakaapekto rin ang easterlies, sa Caraga, Davao Region, Eastern Visayas, Bicol Region, at Quezon province na magdadala ng maulap na papawirin at mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms.
Habang ang Batanes at Babuyan Islands naman ay makakaranas din ng sama ng panahon at mga pag-ulan dahil sa northeasterly windflow.
Samantala, dito sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, asahan na ang bahagyang maulap hanggang sa maulap ang papawirin na may mga isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa epekto ng easterlies.
Nagbigay babala naman ang state weather bureau ukol sa posibleng flash floods o landslides dulot ng malalakas na ulan o matinding thunderstorms.