-- Advertisements --

LA UNION – Inamin ni Punong Barangay Romeo Omo ng Barangay Bet-ang, Balaoan, La Union na may halos 400 mga baboy ang kanilang inilibing sa Barangay Bet-ang, partikular sa boundary ng Bet-ang, Balaoan at Cantoria No. 3, Luna, La Union.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Omo, ang mga inilibing na baboy na tinamaan ng African Swine Fever o ASF ay napagkasunduan at inaprubahan ng mga kinauukulan na kawani ng lokal na pamahalaan.

Gayunman, lumikha ng problema sa ilang mga malapit na residente sa Barangay Cantoria No. 3 sa bayan ng Luna, ang masangsang na amoy na nanggagaling sa hukay ng mga inilibing na baboy.

Nangangamba kasi ang mga residente para sa kanilang kalusugan, ang hindi magandang amoy ng hangin na kanilang nalalanghap.