LEGAZPI CITY – Humihingi nang pag-unawa ang provincial government ng Masbate sa mga uuwing biyahero kaugnay sa bagong ipinalabas na executive order ng lalawigan.
Nakapaloob sa nasabing kautusan na tanging mga fully vaccinated lang laban sa COVID-19, 15 araw bago bumiyahe ang papayagang makapasok sa island province.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Information Officer Nonielon Bagalihog Jr., sinabi nito na kailangang maintindihan ng mga uuwi sa Masbate na para sa ikabubuti ng bawat isa ang ginagawang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng mga variant ng COVID-19.
Subalit ang mga nakabiyahe na bago pa man ipalabas ang naturang EO ay papayagan pa rin na makapasok sa lalawigan basta’t makipag-ugnayan lamang sa pamamagitan ng Fb page ng PDRRMO.
Ito ay upang maiwasan ang pagka-stranded sa mga entry point papuntang lalawigan.
Ipinalabas ang direktiba kahapon ng alas-4:00 at epektibo kaninang madaling araw ng alas-12:00.
Samatala, exempted naman sa naturang kautusan ang mga drivers at ahente ng truck na nagdadala ng mga kargamento sa lalawigan basta mayroon ding proper coordination sa mga kinauukulan.