LEGAZPI CITY – Ipinapasakamay na ni Gov. Antonio Kho sa lokal na pamahalaan ng Baleno, Masbate ang pagbibigay ng kaukulang tulong sa mga biktima ng massacre sa Brgy. Tinapian.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate information officer Nonielon Bagalihog Jr., nagkausap na umano sina Kho at ang alkalde ng bayan na si Mayor Romeo dela Rosa kung saan inihayag ng huli na maayos ang takbo ng imbestigasyon laban sa mga suspek.
Partikular na pinunto nito ang mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek sa krimen na nabatid na malayong kamag-anak pa ng mga biktima.
Subalit hindi umano nakokontento ang gobernador sa pagkakaaresto lamang sa mga suspek dahil nais ng opisyal na ipalasap ang mabigat na kamay ng hustisya sa pamamaslang sa limang katao.
Sa naturang insidente, dalawang magkatabing bahay ang nilooban ng mga suspek na nauwi sa pamamaslang sa mga biktima habang ang 10-anyos lamang sa pamilya ang nakaligtas.
Kaisa umano ang gobernador sa mga panawagan sa agarang paglutas ng kaso at pagpataw ng nararapat na parusa sa mga salarin.