LEGAZPI CITY – Nagpapasaklolo na ngayon ang lalawigan ng Masbate sa national government matapos na salantahin ng magkasunod na Bagyong Tisoy at Ursula.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Masbate Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Emerito Junie Castillo, paubos na ang quick response fund na ginagamit ngayon ng mga lokal na pamahalaan sa relief assistance.
Halos lahat ng LGUs ang nagdeklara ng state of calamity habang nasa 50,000 pamilya umano ang nananatili pa rin sa makeshift shelters o nakikituloy sa kamag-anak simula pa ng Bagyong Tisoy.
Kung hilagang bahagi ng Masbate ang sinalanta ng Tisoy, apektado naman sa pananasalasa ng Bagyong Ursula ang mga bayan na malapit sa Iloilo o timog partikular na ang Balud, Mandaon, Aroroy at Milagros.
Maraming poste ng kuryente ang itinumba ng malakas na bugso ng hangin, nabuwal ang mga puno sa kalsada habang maraming kabahayan na gawa sa light materials ang nawalan ng bubong.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang validation ng local DRRMC officials kaugnay ng sinasabing casualty na mula pa noong Bagyong Tisoy.
Sa kabilang dako, inaasahang mababawasan na ang higit 13, 000 bilang ng stranded passengers sa mga pantalan ng Bicol dahil sa paglift ng nakabanderang typhoon warning signals sa rehiyon.
Pinakamaraming naitala nito sa Matnog Port sa Sorsogon na umabot pa sa higit 10 kilometro ang pila ng mga bus, light cars at trucks.