-- Advertisements --


LEGAZPI CITY – Huling biyahe na muna ng barko mula sa pantalan ng Pioduran, Albay na patungo sa Masbate kahapon nang madaling-araw lulan ang ilang trucks at kargamento.

Isang linggo kasing isasara ang island province para sa non-essential travels bilang pag-iingat sa kumakalat na Delta variant ng COVID-19.

Sa executive order ni Gov. Antonio Kho nakasaad na wala munang indibidwal na maaaring pumasok o lumabas sa lalawigan mula Agosto 12 hanggang 19, maliban na lamang sa Authorized Persons Outside Residence na dapat kompleto rin sa dokumento kagaya ng valid ID, travel order at negative RT-PCR result.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi ki Pioduran MDRRMO head Noel Ordoña, nabigla man sa direktiba subalit mabilis namang tumalima.

Nitong Agosto 11 pa ang huling batch ng locally stranded individuals na pinayagan na tumulak patungong Masbate subalit ngayon kahit gustuhin man ng APOR na bumiyahe, wala ring barko na masasakyan.

Samantala, hindi rin naman maiwasan ang ilang nagpupumilit na makalusot.

Nakakatanggap umano sila ng ulat ukol sa ilang maliliit na mga bangka na patagong bumibiyahe upang magsundo ng mga patungong Burias Island.