NAGA CITY – Muling nakapagtala ang Bicol Region ng anim na panibagong kaso ng Coronavirus disease (COVID-19), kasama na ang unang dalawang kaso ng sakit sa Masbate.
Sa datos ng Department of Health (DOH)-Bicol, napag-alaman na ito ay maliban pa sa dalawang naitalang kaso sa lalawigan ng Camarines Sur.
Ayon dito, si Bicol No. 96 at Bicol No. 97 ang unang dalawang kumpirmadong kaso mula sa Camarines Norte.
Nabatid na isang 23-anyos na lalaki na mayroong travel history mula sa Caloocan City si Bicol No. 96 at dumating sa Bicol noong Hunyo 22.
Habang isang 25-anyos naman ang mayroong travel history na nanggaling naman sa Taguig City ang dumating sa Bicol noong Hunyo 21.
Kaugnay nito, isa namang 30-anyos mula sa Matnog, Sorsogon ang 98th case ng naturang sakit na nagbiyahe mula sa Tondo, Manila.
Napag-alaman din na ang 99th confirmed case ay isang 35-anyos mula sa bayan ng Canaman, Camarines Sur at sinasabing mayroong exposure sa isang COVID case. Ito na rin ang pangatlong uniformed personnel sa Bicol Region na nagpositibo sa sakit.
Dagdag pa dito, mula naman sa Naga City sina Bicol No. 100 at Bicol No. 101 na isang 60-anyos at isang 1-year-old na lalaki kung saan napag-alaman na na-expose kay Bicol No. 91 at Bicol No. 92.
Samantala, ang naturang mga pasyente ay kasalukuyan nang naka-quarantine.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng DOH-Bicol na isang 32-anyos na babae at hindi 35-anyos si Bicol No. 95.
Sa kasalukuyan mayroon ng kabuuang bilang na 101 ang naitalang kaso sa naturang rehiyon kung saan 22 dito ang active cases.
Kaugnay nito muling nagpaalala ang DOH sa publiko na sundin ang community quarantine procedures at precautionary measures kasama na ang proper hand washing, social distancing, cough etiquette, disinfection, paggamit ng facemask at ang pananatili sa loob ng mga bahay.