Binigyang-linaw ni Masinloc, Zambales Mayor Arsenia Lim na hindi niya pinagbawalan ang mga mangingisda na magtungo at mangisda sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
Ayon sa alkalde, hindi niya pagbabawalan ang mga mangingisda na pupunta sa naturang lugar na pangunahing fishing ground ng mga residente ng Masinloc at iba pang mga bayan sa Zambales.
Ang tanging ginawa lamang umano ng alkalde ay ang paalalahanan ang mga mangingisda na huwag magtungo sa mga lugar na maaaring maging banta sa kanilang seguridad o maaaring pagsimulan ng mga kaguluhan.
Mahalaga, ayon sa alkalde, na maging ligtas ang mga mangingisda habang nangingisda sa mga karagatang sakop ng bansa, at hindi sila mapag-initan ng mga Chinese na malimit magtungo sa lugar.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ng alkalde ang mga mangingisda ng Masinloc na maging maingat sa pamamalaot, lalo na at patuloy aniya ang pagbabanta ng China laban sa mga umanoy ‘manghihimasok’ sa WPS.