-- Advertisements --

Itinuturing ng Department of Health (DOH) na mass gathering ang pagpunta ng maraming mga tao sa dolomite beach sa Manila Bay sa mga nakalipas na araw.

Kaya iginiit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na dapat nang i-regulate ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga bumibisita sa naturang lugar.

Magugunita na sa mga nakalipas na araw ay napakaraming mga tao ang nagpunta sa dolomite beach makalipas na buksan ulit ito sa publiko kasabay nang pagpapababa ng alert level status sa Metro Manila.

Ayon kay Vergeire, natalakay na nila sa DILG ang usapin na ito upang sa gayon ay masolusyunan din ang sitwasyon at maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Samantala, nanawagan naman si Vergeire sa publiko na patuloy pa ring sumunod sa minimum public health standards para maiwasan din ang pagkakahawa sa COVID-19.