-- Advertisements --

Nanawagan ang United Nations na maimbestigahan ang mass grave na nadiskubre sa 2 malalaking ospital sa Gaza na sinalakay ng mga sundalo ng Israel.

Ayon kay UN spokesman Stephanie Dujarric, dapat na magkaroon ng access sa naturang sites ang mga mapagkakatiwalaang imbestigador at dapat umano na payagang makapagtrabaho ng ligtas ang mas maraming mamamahayag sa Gaza para ibalita ang katotohanan sa likod ng karahasang ito.

Ang panawagang ito ng UN ay kasunod ng naging pahayag ni UN human rights chief Volker Türk na natatakot ito sa pinsalang natamo ng Shifa medical center sa Gaza city at Nasser Hospital sa southern city ng Khan Younis gayundin ang napaulat na pagkakadiskubre ng mass graves sa palibot ng pasilidad matapos lisanin ng pwersa ng israel ang lugar.

Sinabi din ni Turk na ang intensyonal na pagpatay sa mga sibilyan, bilanggo at iba pa na hindi kayang makipaglaban ay isang war crime.

Sa panig naman ng US, tinawag ni US State Department spokesman Vedant Patel ang napaulat na mass graves sa mga ospital na lubhang nakakabahala at sinabing hiniling na ng US officials sa Israel government ang impormasyon kaugnay dito.

Samantala, ipinaliwanag naman ng Israeli military na hinukay ng mga Israeli forces ang bangkay ng mga Palestino na inilibing noon bilang parte ng kanilang paghahanap sa mga labi ng mga bihag na dinukot ng Hamas sa kasagsagan ng Oct. 7 attack.

Sinuri din aniya nila ang mga labi sa magalang na paraan at ibinalik ang pagmamay-ari ng mga bihag na Israeli.

Sinabi din ng Israeli military na napatay nila o ikinulong ang daan-daang militante na nagkubkob sa 2 ospital.

Una rito, ayon sa Palestinian civil defense sa Gaza noong Lunes, nasa 283 na bangkay ang kanilang nadiskubre mula sa temporary burial ground sa loob ng main hospital sa Khan Younis na itinayo ng Israeli forces nang kinubkob nila ang pasilidad noong nakalipas na buwan.