-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ikinagalit ng Alliance of Health Workers (AHW) ang pagpapaikli sa quarantine period ng mga fully vaccinated na mga health workers na tinamaan ng COVID-19.

Batay sa inaprubahang quarantine protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases, nasa limang araw na lang ang quarantine period ng mga health workers na nahawaan ng sakit.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazi kay AHW President Robert Mendoza, hindi nila maramdaman ang pagiging bagong bayani imbes pang-aabuso ang nararanasan ng mga health workers sa gitna ng muling paglobo ng COVID-19 infections.

Kabilang na dito ang hindi pagprayoridad ng pamahalaan sa kanilang mga benepisyo at pagbibingi-bingihan sa mga hinaing.

Diin ni Mendoza na hindi makaturangan ang naturang quarantine protocols at posibleng ito pa ang maging dahilan ng lalo pang paglala ng understaffing sa mga ospital.

Maliban pa dito, ang naturang utos din ng DOH ang maglalagay sa peligro sa medical frontliners at hindi makakareresolba sa kakulangan ng workforce.

Subalit maaari aniya itong masolusyon sa pamamagitan ng mass hiring at taasan ang sahod ng mga health workers upang ma-enganyo na magtrabaho sa sariling bansa.