LEGAZPI CITY- Nanawagan na rin ang Philippine Nurses Association (PNA) sa gobyerno na maibigay na sa mga health care workers sa bansa ang ipinangakong mga benipisyo sa harap ng coronavirus disease pandemic.
Kasunod ito ng pahayag ng Alliance of Health Workers (AHW) at Filipino Nurses United (FNU) na maglulunsad ng mass resignation ang mga miyembrong health workers kung di parin maibibigay ang Special Risk Allowance at iba pang mga benipisyo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Melbert Reyes ang Presidente ng PNA, naiintindihan umano nila ang hinaing ng mga naturang grupo, dahil bagaman masasabing unethical ang pagresign sa harap ng pandemya hindi naman maaaring itaya ng mga health workers ang kanilang buhay ng hindi nakakatanggap ng sapat na suporta sa gobyerno.
Nakakalungkot lamang umano dahil kabilang sa mga benipisyong hindi pa naibibigay mula noong nakaraang taon ay ang P100,000 para sa mga nagkasakit na health care workers at P1 milyon sa mga binawian ng buhay na kasama sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala noong nakaraang linggo ng bigyan ni Duterte ang DOH ng 10 araw o hanggang Agosto 31 upang maibigay na ang mga benipisyo na dapat na tanggapin ng mga medical frontliners.