-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Mahigit 1,000 mga guro sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nanumpa sa kanilang trabaho at mass signing appointments.

Pinangunahan mismo ni Ministry of Basic Higher and Technical Education (MBHTE) Minister Mohagher Iqbal ang mass signing ng mga bagong guro mula sa Maguindanao Division 2 sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.

Sinabi ni Iqbal na kanilang tinanggap ang lahat na mga kwalipikadong mga aplikanteng guro mula sa lalawigan ng Maguindanao.

Matagal na umanong nag-apply ang ilan sa mga guro sa dating binuwag na ARMM ngunit hindi nabigyan ng pagkakataon upang makapagturo.

Ang lahat na tinanggap na guro ay dumaan sa hiring and promotion process para masigurong kwalipikado silang magturo at sa kanilang inaplayan na posisyon.

Dagdag ni Iqbal na inaasahang magsisimula na rin ang proseso ng hiring at promotion process sa susunod na buwan ng mga guro sa lalawigan ng Lanao Del Sur, Tawi-Tawi, Sulu, at Basilan.