-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagbigay ang DOH national Office ng 2,000 swabbing kits para sa Solano, Nueva Vizcaya dahil sa pagdami ng tinatamaan ng COVID 19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Clarita Lalette Edmin Epi, municipal Health Officer ng Solano , Nueva Vizcaya na sa araw ng Sabado at Linggo ay magsasagawa sila ng aggressive mass swabbing na ang puntirya ay humigit kumulang 2,000.

Sinabi pa ni Dr. Epi na sa isasagawang mass swabbing ay tutulong ang DOH region 2 , DOH National Office at Provincial Health Office.

Pangunahing pagsasagawaan ng mass swabbing sa limang barangay ng Solano na maraming kaso ng COVID 19.

Isasailalim din sa swab test ang halos apatnaraang health workers at mga frontliners kabilang na ang mga na-exposed sa palengke , slaughter house at mga business establishments na may nagpositibo sa virus.

Matapos ang isasagawang swab test ay ipapadala nila ito sa laboratory sa Pampanga kung saan naka-tie up ang kanilang swabbing kits.

Ngayong araw ay magsasagawa ang MHO ng case investigation kung saan kukuha ng mga impormasyon na kanilang ipeprisinta sa mga DOH team

Ang total confirmed COVID 19 case sa bayan ng Solano ay 120 habang 105 ang active case, 13 ang recoveries at 4 ang namatay.