-- Advertisements --

Nananawagan si House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda sa pamahalaan na simulan na ang pagpapatupad ng mass testing bago ang pormal na pagtatapos ng enhanced community quarantine sa buong Luzon sa Abril 14.

Dapat na magkaroon din aniya ng random testing sa lahat ng persons under investigation (PUI), at mas pinaigting na contact tracing para naman sa National Task Force (NTF).

Malayo aniya sa minimum capacity na 1,500  tests kada araw ang 11,446 COVID-19 tests na naisagawa na sa ngayon.

Binigyan diin ni Salceda na sa pamamagitan ng mass testing ay matutukoy ng pamahalaan ang mga lugar na kailangan ng intervention.

Pinahahanda rin nito ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases sa pagkakaroon ng malawakang infection upang sa gayon ay hindi maparalisa ang health sector sa oras na mangyari ito.

“My office is monitoring various simulations, consulting professionals in “outbreak science”. We have seen conservative simulations. And we have also seen simulations similar to what Governor Cuomo of New York has been citing, where they think some 40% of the population may get infected. Estimates range from several thousands to a few millions,” ani Salceda.

Dahil pabago-bago ang sitwasyon kada araw, sinabi ni Salceda na tamang nakatulong ang enhanced community quarantine subalit hindi ito uubra sa pangmatagalan.

Dito aniya papasok ang kahalagahan ng mass testing, na maaring simulan sa pamamagitan ng random testing at contact tracing sa mga positibo sa sakit.

Ang mga datos na makukuha rito ay mahalaga para sa mga susunod na hakbang na tatahakin aniya ng pamahalaan.

Bukod dito, umaapela rin ang kongresista sa Department of Health na palakasin ang kakayahan ng mga ospital sa pamamagitan nang agarang pagbili ng mga mechanical ventilators.

“Nasa 1600 lang po ang mechanical ventilators natin nationwide. Based on the latest models predicting the infection levels, we may reach 20,000 severe active cases needing ICU on the same day. Wag naman sana, pero mabuti na ang handa,” giit ni Salceda.