-- Advertisements --

VIGAN CITY – Para sa kaligtasan ng mga mag-aaral at mga guro ay iginiit ni Act Teachers Partylist Rep. France Castro na dapat tignang maigi ang health preparation bago ang pagbabalik ng klase sa August 24.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Castro, sinabi nitong nangangamba siya dahil wala pang isang porsyento ang naisagawang mass testing dito sa bansa dahil iilan pa lamang ang na-test.

Dahil diyan ay hiling ni Castro na magsagawa ang Department of Education ng mass testing para sa mga guro at personnel sa sektor ng edukasyon upang masiguradong walang mapahamak sa COVID19.

Iginiit pa nito na dapat masigurado na walang maiiwan sa maipapatupad na bagong patakaran kaya dapat aniyang makabuo ng plano ang DepEd para sa ikabubuti ng mga mag-aaral.

Gayunman, suportado ni Castro ang blended o flexible learning na siyang nakikita ng DepEd na solusyon para maiwasan ang pagkalat ng nakakahawang sakit.