-- Advertisements --

Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapabuti sa kalidad ng public transport sa apat na probinsya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Una rito ay inanunsyo ng DOTr ang pagbabayad nito sa consultancy services para pag-aralan ang pagsasagawa ng pre-investment studies para ma-upgrade ang mass transit sa mga probinsya.

Kabilang dito ang mga probinsya ng Bohol, Cagayan de Oro, La Union at Zamboanga.

Ipapa-bid ng DOTr ang consultancy deals para sa mga nabanggit na probinsya.

Ayon sa ahensiya, nakahanda na ang puhunan para sa mga isasagawang pre-investment studies sa mga ito: 61.92 para sa Bohol; P61.23 million para sa Cagayan de Oro, P59.12 million para sa La Union, at P60.04 million para sa Zamboanga.

Maaari namang makakuha ng bidding documents ang mga interesadong entity mula sa opisina ng DOTr hanggang sa Hunyo-24, 2024.

Kapag natapos na ang awarding, bibigyan ng DOTr ang mga mananalong bidders ng hanggang 240 days para tapusin ang isasagawang pre-investment studies.

Ayon sa ahensiya, bahagi ito ng planong modernisasyon sa mga pampublikong transportasyon sa lahat ng bahagi ng bansa.