CENTRAL MINDANAO– Hinikayat ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang lahat ng mga magulang na magpabakuna ng kanilang mga anak edad siyam na buwan hanggang 59 months sa isasagawang Mass Vaccination kontra tigdas sa Oktubre 26 hanggang Nobyembre 25, 2020.
Ligtas at libre ang bakuna kontra tigdas kung kaya at dapat samantalahin ito ng mga magulang.
Muling pangungunahan ng City Health Office ang pagbabakuna sa mga bata sa lungsod.
At dahil nga ay Covid19 pandemic pa rin sa kasalukuyan, maglalagay ng vaccination stations ang City Health Office sa mga barangay health units sa lungsod upang doon nalang isasagawa ang pagbabakuna.
Layun ng aktibidad na maiwasan na dumami ang kaso ng measles sa bansa kung saan ay posibleng maapektuhan ang may 2.4 Million na mga bata limang taon pababa ng sakit, ayon na rin sa website ng Department of Health.
Lubhang nakakahawa ang tigdas dahil 9 sa 10 na hindi nabakunahan na mae-exposed sa measles virus ay pupwedeng magkasakit.
Ilan lamang sa simtomas ng tigdas ay mataas na lagnat, pamamantal at pamumula ng balat, ubo, iristasyon ng mga mata na maaring mauwi sa komplikasyon tulad ng pneumonia, ear infection, severe diarrhea, pamamaga ng utak at iba pa.
Walang gamot sa tigdas kung kaya at bakuna lamang ang epektibong pamamaraan para maiwasan ito, ayon na rin sa DOH.