VIGAN CITY – Nakatakdang sa araw ng Biyernes, ang mass vaccination na isinasagawa ng Department of Health (DOH) sa mga napiling priority areas.
Ang mga nasabing priority area ay ang mga lugar sa National Capital Region, Lanao del Sur, Davao City at Davao del Sur.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na aabot na sa 75% ang bilang ng mga napatakan ng oral polio vaccine (OPV) sa Metro Manila mula sa kanilang target na 1.8 milyon na batang edad limang taon pababa.
Sa Davao City naman ay natapos na nila ang mass vaccination samantalang natigil muna sa Davao del Sur nitong nakaraan ang sabayang patak dahil sa lindol na nangyari sa bahagi ng Mindanao.
Tiniyak ni Domingo na walang problema sa suplay ng OPV dahil taon-taon naman umanong may procurement ang gobiyerno sa nasabing bakuna at mayroong ipinadalang karagdagang suplay ang World Health Organization at United Nations Children’s Fund.