Patuloy na inaalam ng grupong Karapatan ang ulat hinggil sa 12 magsasaka na inaresto umano sa Manjuyod, Negros Oriental.
Ito’y kasunod ng pagkamatay ng 14 na magsasaka sa lalawigan noong Sabado habang sinisilbihan ng arrest warrant ng pulisya.
Nauna ng kinumpirma ng Commission on Human Rights (CHR) na iniimbestigahan na ng kanilang regional office sa Central Visayas ang krimen.
“At this point, our interest is finding out the truth behind a police operation, which authorities claim to be meant to serve warrants of arrest, but resulted [in] 14 deaths of farmers and a cop said to be injured,” ani De Guia.
Batay sa ulat, sinasabing miyembro ng rebeldeng grupo ang mga inarestong magsasaka.
Ayon kay provincial police office spokesperson SPO3 Edilberto Euraoba nanlaban ang mga biktima habang sinisilbihan ng warrant of arrest.
Pinalagan naman ito ng isang nagpakilalang survivor na si Edgardo Avelino, chairperson ng Hugpong-Kusog Mag-uuma sa Canlaon, at sinabing walang hawak na mandamiento de arresto ang 10 pulis na pumunta sa kanilang bahay.
Walang habas din daw na pinagbabaril ng mga ito ang kanyang asawa at kapatid.
“Even claims of resisting arrest to justify fatalities need to be tried before courts to ensure that there are no lapses and ascertain if the circumstances really warrant the offence from the police, resulting (in) the curtailment of life,” dagdag ni De Guia.
Batay sa datos ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, nasa halos 200 magsasaka na ang namatay mula Hulyo ng 2016.
Kung maaalala, napatay din noong Oktubre ang siyam na magsasaka ng tubo sa Negros Occidental matapos umanong paputukan ng 40 armadong lalaki sa Sagay City.