Ikinokonsiderang case solved na ang nangyaring massacre sa isang bakery sa Antipolo na ikinasawi ng 7 katao kabilang ang 2 menor de edad noong Abril 22.
Ayon kay Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) director Col. Felipe Maraggun, naresolba na ang kaso matapos makasuhan na ang suspek, na natukoy bilang alias Bogart, nang 7 bilang ng pagpatay sa Office of the City Prosecutor noong araw ng Huwebes.
Base naman kay Antipolo Police chief Lt. Col. Ryan Manongdo, naisumite na ng suspek ang kaniyang extra-judicial confession kaugnay sa insidente.
Aniya, inaantay na lamang ng kapulisan ang mga laboratory results ng suspek na isinagawa ng forensic group para matukoy kung nasa impluwensiya siya ng alak o mga iligal na droga noong ginawa nito ang krimen.
Nakumpirma din sa isinagawang imbestigasyon na kumilos ang suspek nang mag-isa nang gawin niya ang pagpatay sa mga biktima sa pamamagitan ng pagsaksak sa mga ito.
Batay sa naunang salaysay ng suspek na isa din sa may-ari ng bakery, nagawa niya ang krimen dahil pinaplano umano ng mga biktimang patayin siya kasunod ng away nila sa pagmamay-ari ng naturang bakeshop.