CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa siyam katao ang nasawi sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.
Blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa masaker sa mga biktima.
Nakilala ang mga nasawi na sina Zailon Sandigan; Kors Salilangan; Benladin Dimanalao; Romeo Balatamay; Katindig Kagayawon at Fahad Mandigan, pawang mga residente sa bayan ng Kabacan.
Binawian rin ng buhay si Musaid Jaiden, residente ng Brgy. Poblacion, Midsayap, Cotabato at Budsal Lipusan na nakatira sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, habang sugatan si Tong Guiman na nakatira sa bayan ng Kabacan.
Matatandaan na lulan ang mga biktima ng mga motorsiklo sa provincial road malapit sa USM Granary and Machinery sa Barangay Poblacion sa Kabacan nang bigla silang hinarang ng limang hindi nakilalang armadong kalalakihan.
Hiningian ng ID ng mga suspek ang mga biktima at pagkatapos ay pinagbabaril gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar.
Dead on the spot ang walo sa mga biktima habang naisugod naman sa pagamutan ang isang sugatan ngunit kinalaunan ay binawian rin ng buhay
Mariin namang kinondena ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Government ang brutal na pagpaslang sa mga biktima na tinawag na Kabacan massacre.
Hiniling rin ng Bangsamoro Government sa National Bureau of Investigasyon (NBI) ang malalimang imbestigasyon sa brutal na pagpatay sa mga biktima.