-- Advertisements --

Hinikayat ni Sen. Bong Go ang national government na magsagawa ng mas agresibong massive information campaign para maipaliwanag sa publiko ang COVID-19 vaccine roadmap.

Layunin umano nitong magkaroon ng kumpiyansa ang publiko at maalis ang kanilang takot sa nasabing bakuna.

Nakapaloob sa roadmap ang detalye ng proseso kung paano makakakuha ng bakuna ang bansa, ang delivery sa publiko, organizational chart ng mga opisyal na mangunguna sa nasabing vaccination program.

Sinabi ni Sen. Go, malaking bagay na maipaliwanag ng maayos ang vaccine roadmap para hindi matakot ang mga Pilipino at makipagtulungan sila sa gobyerno.

Inihayag ni Sen. Go na huwag sayangin ang oportunidad na pagplanuhan ang maayos na implementasyon ng inaabangang bakuna at magabayan ang publiko gamit ang tamang impormasyon na kailangan nilang malaman para makabangon sa kahirapan.

“Sa tingin ko po ay pwede pa natin palakasin ang information dissemination campaigns o awareness information plan, hindi lamang para masiguro ang tuluy-tuloy na kooperasyon ng mga Pilipino, kundi para na rin mapanatag sila na hindi natutulog ang kanilang gobyerno upang mabigyan sila ng ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19,” ani Sen. Go.

“Gamitin po sana natin ang panahong ito para ipaliwanag sa publiko ang ating national vaccine roadmap. Importante po na maintindihan nila ito. Ilatag na natin sa kanila ang buong proseso para mas mabilis tayong makabangon muli.”