Naglunsad ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng massive relief drive para sa mga lugar na apektado ng bagyong Kristine.
Sinimulan itong ipamahagi ng volunteer teams ng ahensiya noong Huwebes kung saan paunang ipinadala ang 5,000 relief packs mula sa 53,000 packs.
Sa isang pahayag ngayong Sabado, sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro Tengco na ipinapamahagi ang naturang mga relief assistance sa mga komunidad na matinding binaha dala ng mga pag-ulan dulot ng bagyo gaya ng Bicol region, Northern Luzon at CALABARZON.
Aniya, ang siyudad ng Lipa ang unang nakatanggap ng relief aid mula sa state gaming agency noong Huwebes, dahil nadadaanan na ang mga kalsada doon. Nakatanggap din ang pamahalaang lungsod ng 2,000 food at non-food packs para sa pamamahagi sa mga apektadong residente.
Nagbigay din ng donasyon ang ahensiya nitong Biyernes ng 3,000 relief packs para sa Angat Buhay Foundation ni dating VP Leni Robredo para ipamahagi sa Naga city na dumaranas ng matinding baha matapos umapaw ang Bicol River.
Ipagpapatuloy pa aniya ang naturang inisyatiba kung saan sa Bicol region pa lamang ay makakatanggap na ng mahigit 24,000 na food at non-food packs. Magpapamahagi din ng mga relief goods sa mga lokal na pamahalaan ng Albay, Camarines Sur at Camarines Norte gayundin sa Apayao, La Union, Quezon, Rizal, at Vigan City sa Ilocos Sur.