-- Advertisements --
Ryan Singson
Ryan Singson/ FB photo

VIGAN CITY – Nanggagalaiti sa galit si Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson kasabay ng paghayag nito na nais niyang magkaroon ng massive revamp o pagbabago sa liderato ng Ilocos Sur Police Provincial Office, lalo na ang opisina ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa lalawigan.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa mga reklamong natatanggap ng opisina ng gobernador hinggil sa laganap na pangingikil ng mga opisyal at personnel ng CIDG-Ilocos Sur kung saan wala man lamang umanong ginagawang hakbang ang provincial director ng ISPPO dahil ibang unit umano ang CIDG.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Singson na wala umano itong sasantuhin dahil gusto nito na malinis ang mga nasabing opisina mula sa mga tiwaling opisyal at personnel.

Aniya, nais umano nitong idulog ang nasabing isyu sa main headquarters ng Philippine National Police sa Camp Crame nang sa gayon ay mismong PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na ang bahala sa mga nairereklamong opisyal at personnel na may kaugnayan sa pinaniniwalaang extortion activities sa lalawigan.

Sa ngayon, kinukuha pa ng Bombo Radyo Vigan ang komento ng ISPPO provincial director na si Police Col. Adolfo Rafanan at ang CIDG- Ilocos Sur head na si Police Major Romeo Gajid na di umano’y pinatawag sa opisina ng Police Regional Office 1.