Nagpapatuloy pa rin ang isinasagawa ang malawakang paghahanap at pagsagip sa mga na-trap kasunod ng malawakang pagguho ng lupa sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro, noong Martes ng gabi.
Anim na tao ang namatay at 46 na iba pa ang nananatiling nawawala sa naganap na landslide.
Sinabi ni Edward Macapili, executive assistant on communications and public relations ng provincial government ng Davao de Oro, na narekober ng mga responder ang mga bangkay at 31 iba pa ang nailigtas at dinala sa ospital kaninang 12:30 ng tanghali.
Hindi pa makumpirma ni Macapili ang ulat mula sa Armed Forces of the Philippines-Eastern Mindanao Command na nasa 45 katao na ang nailigtas.
Aniya, hindi nila masabi kung ilan ang aktwal na natabunan sa landslide dahil nagpapatuloy pa ang verification.
Iniulat ng Eastern Mindanao Command na 86 katao ang nalibing ng buhay sa landslide.
Tatlong tao ang nasa kritikal na kondisyon at nangangailangan ng air evacuation, dagdag nito.
Sa ngayon, sinabi ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office sa Maco na agad na ipinakalat ang mga responder upang ipagpatuloy ang mahigpit na search and rescue operation.