BACOLOD CITY – Opisyal nang sinuspinde ni Bacolod City Mayor Evelio Leonardia ang MassKara Festival 2020 na nakatakda sa buwan ng Oktubre.
Sa Executive Order No. 62 Series of 2020 na inilabas ni Leonardia, suspendido ang lahat ng mga aktiibidad na may kinalaman sa MassKara Festival sa buong Oktubre kung saan may kaukulang sanction sa sinumang lalabag.
Ito ay kinabibilangan ng parada, street dance competitions, exhibits, road shows, at dance/talent/singing/beauty/costume/pyrotechnic contests.
Kabilang din dito ang mga konsyerto, sports events, cockfights, open market/food/plants/wares/apparel fairs, industrial/commercial fairs o anumang pagtitipon ng mga tao sa open places.
Inutusan din ni Leonardia ang Business Permits and Licensing Office na huwag mag-issue ng anumang business permit o license to operate ng anumang activity o event.
Ang permit o license na naisyu na ng opisina bago ang executive order ay deemed revoked o cancelled.
Humiling din ang alkalde sa Sangguniang Panlungsod ng Bacolod na iwasan ang pag-isyu ng permit o license para sa anumang aktibidad na may kinalaman sa 2020 MassKara Festival celebration.