Pinangalanan na ng Palestinian militant group na Hamas ang bago nitong lider matapos mapatay ang predecessor nito na si Ismail Haniyeh sa umano’y inilunsad na strike ng Israel sa Iran.
Ito ay si Yahya Sinwar, ang top official ng Hamas sa Gaza na siyang mastermind o utak ng October 7 attacks sa katimugang bahagi ng Israel na kumitil sa mahigit 1,200 katao at binihag ang 250 katao. Si Sinwar din ay isang secretive figure na malapit sa Iran na nagsumikap ng ilang taon para mapalakas ang militar ng Hamas.
Ang pagkapili kay Sinwar ay nakikitang isang senyales na handa ang Hamas na magpatuloy sa pakikipaglaban sa nagpapatuloy na giyera nito laban sa Israel sa loob na ng 10 buwan at matapos ang assassination kay Hamas leader Haniyeh. Maaaring paraan din umano ito ng Hamas para i-provoke ang Israel.
Ayon naman kay Hamas spokesman Osama Hamdan, ipagpapatuloy ni Sinwar ang mga negosasyon kaugnay sa ceasefire. Subalit mananatili din aniya ang Hamas na matatag sa politika maging sa battlefield. Inihayag din nito na si Sinwar na kasalukuyan nilang lider ay siyang nanguna sa kanilang laban sa mahigit 305 araw at mananatiling matatag sa laban.
Kapwa naman naglabas ng pahayag ang kaalyado ng Hamas na Iran at Hezbollah na pinuri ang pagkakatalaga kay Sinwar.
Naghayag din ng reaksiyon ang Israel sa pagtatalaga ng bagong lider ng Hamas. Sinabi ni Israeli military spokesman Rear Admiral Daniel Hagari na may iisang lugar para kay Yahya Sinwar at ito aniya ay sa tabi ng napaslang na si Hamas military wing leader Mohammed Deif at ng nalalabing mga terorista na nasa likod ng October 7 attack. Ito lamang aniya ang lugar na kanilang inihahanda at ninanais para sa kaniya.