Pinangalanan na ng otoridad ang isang doctor na pinaniniwalaang mastermind umano sa pagplano sa assassination kay Haiti Pres. Jovenel Moise.
Ayon kay Haiti National Police Chief Leon Charles, matapos na maisagawa ng mga naarestong bandido ang krimen ang unang tinawagan aniya ng mga ito ay ang nagngangalang Christian Emmanuel Sanon.
Napag-alaman na si Sanon ay isang 63-anyos na Haitian American at Florida-based doctor na dumating sa Haiti lulan ng isang private plane noong June na mayroong political motive kung saan nais nitong maging isang pangulo.
Kinontak ng naturang key suspect ang isang Venezuelan private security firm na nakabase sa US para mag-recruit ng mga Colombian mercenaries na nagsagawa ng assassination sa pangulo.
Natuklasan din sa imbestigasyon ng Haiti police na tinawagan din ng mga suspek ang dalawa pang iba pa na itinuturing na mga mastermind sa pagpatay sa pangulo ng Haiti subalit hindi tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Lumalabas na ang inisyal na misyon daw ng mga suspek ay protektahan si Sanon subalit kalaunan ay nagbago ang kanilang plano ayon kay Charles.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga naarestong 18 Colombians at tatlong Haitian Americans kabilang si Sanon na nasa likod ng assassination plot sa Haiti president noong July 7. (with reports from Bombo Everly Rico)