-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng pulisya na dati ng nakulong sa kasong murder at kakalaya pa lamang ang mastermind sa nangyaring madugong masaker sa Baleno, Masbate kung saan limang katao ang namatay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PCapt. Ronnie Coral ang hepe ng Baleno Municipal Police Station, base sa kanilang imbestigasyon lumalabas na iniiwasan na talaga ng mga residente sa lugar ang suspek na si Deonilo Rabino dahil sa hindi magandang reputasyon nito.

Si Deonilo ang itinuturong nagplano sa panloloob sa bahay ng mga biktima at kasamang nakakulong ngayon ang kanyang kapatid na si Rowel Rabino at ang 16 anyos na anak na si alyas David na suspek rin sa krimen.

Ayon kay Coral, naisampa na ang patung-patong na kasong frustrated robbery with homicide; frustrated murder at murder laban sa mga suspek habang iniimbestigahan pa at inaalam ang resulta ng autopsy upang malaman kung may nangyaring panggagasa sa mga biktima.

Samantala, kinumpirma naman ng hepe na nasa mabuti ng kalagayan ang 10-anyos na nag-iisang nakaligtas sa insidente na nakatakda ng lumabas sa ospital.

Sa nasabing masaker, patay ng pagsasaksakin ng mga suspek sina Jennifer Adigue 40 anyos; mag-asawang Adela 67 at Jesus Adigue 70 anyos, at ang magkapatid na menor de edad na 17 at 14 anyos.