CENTRAL MINDANAO – Nahuli ng militar at pulisya ang umano’y utak sa pambobomba at panununog ng bus sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang suspek na si Ali Akbar, bomb expert at miyembro ng Dawlah Islamiyah Hassan group at residente ng Purok 3, Barangay East, Patadon, Kidapawan City.
Ayon kay 602nd Brigade commander Brig. Gen. Roberto Capulong na tumanggap sila ng intelligence report sa lugar kung saan nagtatago ang suspek.
Agad nagsagawa ng law enforcement operation ang pinagsanib na pwersa ng 602nd Infantry Brigade,90th Infantry Battalion katuwang ang 72nd Infantry Battalion, Kidapawan City PNP at 1st Cotabato Provincial Mobile Force Company sa tahanan ng suspek.
Hindi na nakapalag si Akbar nang mapalibutan ito ng mga sundalo at pulis.
Narekober sa suspek ang isang ISIS flag, dalawang improvised explosive device (IED) at mga sangkap sa paggawa ng bomba.
Ang suspek ay may warrant of arrest sa kasong double murder at multiple frustrated murder na inisyu ng RTC 12 Branch 23 sa North Cotabato.
Ang suspek ang itinurong utak sa pambobomba sa Yellow Bus line noong Enero 27, 2021 at panununog sa isang YBL sa M’lang Cotabato noong Hunyo 3, 2021 na ikinasawi at ikinasugat ng maraming buhay.
Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy ang matagumpay na operasyon ng militar at pulisya laban sa suspek.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng militar at pulisya ang mga kasamahan ni Akbar sa probinsya ng Cotabato.