Itinanggi ng presidente ng Masungi Georeserve Foundation Inc. ang resort claims ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Mari Antonio Yulo-Loyzaga.
Kaya’t idinemand ni Masungi Georeserve president Ben Dumaliang sa DENR chief na magpakita ng ebidensiya na susuporta sa mga alegasyon nito kabilang ang umano’y presensiya ng resort sa contract area.
Kung hindi aniya mapatunayan ng kalihim ang resort claims nito at iba pang mga alegasyon, dapat na umano itong magbitiw.
Ipinaliwanag din ni Dumaliang na ang Masungi ay isang award-winning geotourism site na nasa loob ng lupain ng Upper Marikina Watershed at nagsisilbing tahanan ng mahigit 400 species ng flora at fauna, ilan sa mga ito ay bibihira at nanganganib na.
Ginawa ni Dumaliang ang naturang pahayag matapos maglabas ng statement ang DENR na ang Blue Star Construction and Development Corporation ay naniningil sa gobyerno ng P1 billion para sa kabiguan nitong mailagay ang mga lupain sa sariling teritoryo ng gobyerno.
Ang Blue star ay affiliate company ng Masungi Georeserve Foundation na nanguna sa restoration at protection efforts sa Masungi Georeserve.
Subalit base sa imbestigasyon ng komite na binuo ng DENR noong 2019, wala umanong legal na basehan ang pagsingil ng Masungi.
Ayon sa DENR, nag aalok umano ang Masungi Georeserve ng accommodation mula P5000 per night at nagho-host ng events gaya ng weddings at company events na may rates na nagsisimula sa P120,000.
Ayon din sa ahensiya, mayroon umanong restaurant ang naturang site.
Subalit sa panig ng masungi foundation, sinabi nitong isang non-profit conservation initiative ang masungi georeserve na pinapalakad ng MGFI na isang non-stock at non-profit foundation na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission.
Kaya’t hindi aniya resort ang Masungi na itinayo para sa maging aliwan at kumita.
Samantala sa nakalipas na mga taon, nakipaglaban ang Masungi Georeserve sa mga entity na gustong gamitin ang naturang lupa para sa quarrying, pagtatayo ng mga resort at pagtatanim ng mga pananim.