-- Advertisements --
MASUNGI1
IMAGE | Natuklasan ng mga otoridad ang isang resort malapit sa Masungi Georeserve. Mayroon daw itong tatlong swimming pool at konstruksyon para sa daluyan ng tubig mula sa conservation area. | Photo by Masungi Georeserve, Facebook

MANILA – Umapela na ng tulong ang pamunuan ng Masungi Georeserve Foundation para imbestigahan ang umano’y pananakot ng mga armadong indibidwal sa ilang volunteers na nagbabantay sa conservation area.

“Last week, four men in bonnets threatened a forest ranger’s partner with a gun,” batay sa online post ng foundation noong May 30.

Naniniwala kasi ang environmental conservation group na may kinalaman ang insidente ng pananakot sa utos ng lokal na pamahalaan ng Baras, Rizal.

Kamakailan nang ipasara ng local government unit ang GSB swimming pool resort, na nasa paligid lang ng Masungi Georeserve.

Natuklasan kasi ng mga opisyal na paunti-unti nang pinapasok ng mga negosyante ang protected area at reforestation site, kasabay ng pagpapalawak ng kanilang resort.

Noong 2018 pa raw naglabas ng Notice of Illegal Construction at stop order ang Baras LGU sa itinuturong may-ari na si Arnel Olitoquit.

“It was discovered that the said resort was not only constructing and operating without appropriate title or permits, it has also begun diverting, constructing upon, and appropriating vital waterways for its swimming pools, accommodations, and other resort operations.”

“(Olitoquit) and his goons have threatened our forest rangers multiple times for defending the forest land,” dagdag ng grupo.

MASUNGI3
IMAGE | Mga opisyal ng Baras, Rizal habang nagkakabit ng closure order sa GSB Resort sa Brgy. San Roque. | Photo by Masungi Georeserve, Facebook

Nitong May 29, sinasabing dalawang putok ng baril pa ang umalingawngaw habang naglilinis ng “recovered forest land” ang ilang Masungi forest rangers.

“Fortunately the park rangers were unharmed,” paglilinaw ng grupo.

Nakikipag-ugnayan na rin daw ang non-profit organization sa mga otoridad para mapanagot ang mga nasa likod ng insidente.

Magtatayo rin umano ng ranger stations at checkpoint ang foundation sa paligid ng conservation area para mapigilan ang ano mang iligal na aktibidad.

Patok na ecotourism site ang Masungi Georeserve dahil sa malalaking limestone formation nito, at daan-daang animal at plant species na matatagpuan dito.

Taong 1993 nang ideklara ng Department of Environment and Natural Resources na “strict nature reserve and wildlife sanctuary” ang Masungi Georeserve.

Protektado rin ng National Integrated Protected Areas System (Republic Act No. 7586) ang lugar mula sa ano mang “destructive human exploitation.”

FOREST FIRES

MASUNGI2
IMAGE | Bahagi ng Upper Marikina Watershed na nasunog noong Abril. | Photo by Masungi Georeserve, Facebook

Noong nakaraang buwan nang manawagan din ang conservation group para maaksyunan ang malawak na forest fire sa Upper Marikina Watershed, na nasa paligid lang ng protected area.

Nagsisilbi kasing proteksyon ng Metro Manila at ilang kalapit na bayan ang watershed laban sa mapanganib na baha at landslide.

Simula Abril, naitala ang pagkasunog ng ilang puno sa Upper Marikina Watershed.

Naniniwala ang grupo na hindi lang basta init ng panahon ang sanhi ng forest fire sa lugar.

“Make no mistake, these illegal activities can spread like an infection in the mountains if they aren’t nipped in the bud. One day we can wake up and the protected area, supposedly free from human exploitation, will be gone.”

“There is another disease plaguing the Philippines and the world – that of biodiversity and habitat loss especially of tropical forests, on top of the climate emergency.”

Nagpadala na ng team ang Provincial Environment and Natural Resources Office ng Rizal para imbestigahan ang sitwasyon sa watershed.

Sa artikulo ng ABS-CBN News, sinabi ni Masungi Georeserve trustee Billie Dumaliang, na as of May 19, aabot sa 10-ektarya ng lupa ang naapektuhan ng forest fire sa Upper Marikina Watershed.