Ipinag-utos ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Catapang Jr. ang masusing monitoring sa mga person deprived of liberty sa gitna ng tumataas na kaso ng dengue.
Kaugnay nito, inatasan ng BuCor chief ang mga health service chief mula sa iba’t ibang mga palisidad para i-monitor ang anumang sinyales ng sakit, magpatupad ng preventive actions at siguruhing maiulat ang mga kumpirmadong kaso sa mga lokal na awtoridad sa loob ng 24 oras para maiwasan o ma-minimize ang posibleng hawaan ng sakit sa mga piitan.
Kung matatandaan, nauna ng nagdeklara ng dengue outbreak ang pamahalaang lungsod ng Quezon sa gitna ng paglobo ng mga kaso kung saan 10 na ang nasawi dahil sa virus kabilang ang 8 menor de edad.
Mula noong Enero 1 hanggang Pebrero 14 ng kasalukuyang taon, nakapagtala ang Epidemiology and Surveillance Division ng Quezon city ng kabuuang 1,769 kaso sa lungsod, halos 200 porsyentong mas mataas kesa sa naitala noong nakalipas na taon.
Inihayag naman ng Deprtment of Health na maaaring mag-anunsiyo din ng dengue outbreak ang 8 iba pang lugar sa bansa.